Friday, January 25, 2013

MMK - Bangs Garcia (Ang Babaeng Bading)




Watch Bangs Garcia on MMK this Saturday, January 26, 2013.

Friday, January 18, 2013

Break Na Tayo? Pwe!

Break Na Tayo? Pwe!

 
Mapa-IMAX o masurot na sinehan sa Guadalupe at Cubao, sa tuwing gusto kong manood ng bagong pelikula, iisang ticket na lang ang kailangan kong bilihin. Mabilisang 50% saving nang walang kinakailangang discount coupon o proof of purchase. Ni hindi ko na din kailangang makipagtalo, makipagdebate o magmakaawa para lamang maipagtanggol ang katotohanang hindi dahil mahilig ako sa superhero movie ay isa na akong super-dork, and at the same time,hindi lahat ng lalaking nanonood ng romance films ay romantiko. 80% sa kanila ay malamang napilitan lang. Bukod pa doon, mai-enjoy ko na ang popcorn nang walang nagrereklamong masyadong madaming asin ang aking nailagay at hindi ko na din kailangan pang itago sa aking tagiliran ang softdrinks dahil wala nang banta na may basta-basta na lang makikisipsip kahit na meron naman siyang sariling baso. Hindi ko na rin kailangang magbantay sa labas ng CR kung saan inaabot ka ng labingwalong dekada, habang hawak ko ang bag mo at unti-unting nalulungkot dahil nasa bandang kalahati na ang pelikula. Pwede na rin akong manahimik sa isang pwesto. Hindi naman kasi ako maarte pagdating sa upuan. Basta nakikita ko ang palabas, ayos na. Eh ikaw, ginagamitan mo pa ata ng tangent at logarithmic function ang pagpili ng silya. Ayaw mo ng malapit dahil nakakaduling. Ayaw mo ng malayo dahil hindi mo masagap ang buong ‘visual clarity’. Ayaw mo sa gitna dahil madaming tao. Tinanong kita kung gusto mo ng lubid. Nagalit ka naman. Ewan ko sa’yo.

Sa wakas, pwede na akong mag stick-to-one sim card at hindi umastang tila miyembro ng isang sindikato na kailangan magpalit ng sim kada oras para hindi ma-trace ng PDEA. Tapos na ang mga panahon kung saan napupuyat ako kaka-research ng kung ano ang ibig sabihin ng mga naglipanang text/call promo ng iba’t ibang network provider, para lang buong araw akong ready na sagutin ang iyong mga text na pwedeng ibandera sa frontpage ng tabloid tulad ng “lowbatt na me” at “kakagutom d2”. Halukay ube sa mga promo. Nakaka-pigsa ng utak. All text. Supercombo text. Unlitext. Bwakanginagrabesasupertext. Hindi ko na rin kailangang iwanan ang pini-prito kong daing na bangus para lang magpa-load sa tindahan dahil sa takot na magalit ka at reply-an ako ng ‘K’. Wala na ring ala-FBI agent na ku-kwestiyon sa akin kung bakit patay ang aking cellphone kaninang 3:12 PM. Mahirap bang paniwalaan na nawawalan ng power ang cellphone? De-battery sila at hindi nabubuhay sa pamamagitan ng pawis sa mukha ko o libag sa aking kuko at mga daliri. Malaya ko na ring maite-text ang aking mga kaibigan nang walang nagdududa na babae talaga sila Bruno at Baldo. Para sa iyong impormasyon, lalaki talaga sila. At kahit gumapang man kami sa kalasingan, walang romantikong relasyon ang mabubuo sa pagitan namin. Baka mapatay muna namin ang isa’t isa bago mangyari yun.

Hindi ko na kailangang ibuwis ang aking buhay kakaakyat-baba ng overpass sa Shaw para lang maihatid at sunduin ka. Ngiti lang ako ng ngiti pero hindi mo talaga alam ang kwento sa likod ng mga pawisan at naghahabol ng hiningang pagdating ko sa ating tagpuan. Isang beses, muntik na akong saksakin ng isang gusgusin at walang manners na holdaper. Buti na lang naawa siya ng sabihin kong may babaeng naghihintay sa akin. Tumulo ang kanyang luha sabay sabing “Dre, galing din ako dyan. Naiintindihan kita. Sige, lumakad ka na. Sa’yo na yang cellphone mo. Ay. Sorry. Sayo naman pala talaga yan. Payong kapatid lang. Nakikita mo ang sitwasyon ko ngayon? Dahil din ito sa pag-ibig”. Simula noon, walang araw na hindi ako natakot na balang araw ay magiging kawatan na din ako dahil naging tayo. Buti na lang, tapos na yun.

Ang sarap pala ng pakiramdam ng mag-like at mag-share ng status o larawan ng mga kaibigan mong babae. Noon kasi, isang like lang, eternal damnation na agad ang kapalit mula sa’yo. Masarap ding matulog ng maaga nang walang takot na baka kinabukasan ay maabutan kong bukas pa pala ang aking computer at ang screen nito ay puno ng nakakagimbal na “tinulugan mo na ako?”, “ewan ko sayo”, “good night”, “bye” at “Brendang Praning went from being in a relationship to it’s compilcated”. Imposible na rin akong masisi kapag may litratong hindi nai-upload o hindi ka nai-tag. Hindi naman ulam ang mga digital images. Hindi yan mapapanis kapag hindi naipaskil sa wall mong namumutakti na din naman ng larawan mo kung saan may 160 pictures na iisa ang background at nahahati sa dalawang pose: (a) naka-smile ka at (b) katabi mo yung bago mong cellphone. At isa pa, hindi dahil hindi ko ni-like ang status mo, eh ibig sabihin nun ay hindi na kita mahal, may gusto na akong iba at buong kataksilan kaming magtatanan at kalaunan ay magbubunga siya ng tatlo hanggang limang malulusog na supling.

At ngayon, kapag gutom ako, pwede na akong kumain. Simple. Mabilis. Epektibo. Dahil ang tanging lunas sa gutom ay ang kumain. Yun lang. Wala nang mga seremonyas at pesteng ritwal. Hindi ko na kailangang sumunod at maglakad sa buong mall para lang makakita ng kainan na trip mo. Malaya na din akong makakapili ng pagkain na kakainin nang hindi nag-aalala na baka isipin mo, hindi tayo compatible dahil magkaiba ang uri ng burger na inorder natin. Hindi ko na rin kailangang bagalan ang pagubos ng pagkain para lang sabay tayong matapos. Hindi naman ako nagmamadali. Parang ewan lang kasi ang iyong ‘limang butil ng kanin per kutsara’ rate. Wala na ring boses sa loob ng tenga ko na nagsasabing “ayusin mo yung plato mo, mamaya ka na kumain, kukunan ko muna ng picture”. Ayos lang sana kung nakakabusog ang flash ng camera o laman-tiyan ang likes nito sa Facebook kapag pinost mo.

Pero lahat yun, tapos na. Bwahahahaha. Gusto kong umorder ng tatlong toneladang fireworks sa Bocaue at sindihan sa may Baywalk sabay kuhanan ang aking sarili ng video habang nakangiti, tumatalon sa tuwa at gumugulong sa semento. Kaso..

Ayoko nang manood ng sine mag-isa. Gusto ko yung may kasama. Alam mo ba kung gaano kamukhang tanga ang tumawa sabay wala kang pwedeng kalabitin at alamin kung natawa din ba siya? Tipong gusto ko nang humalakhak ng sobrang tindi na tila mapupunit na ang bibig ko pero malulungkot din agad kapag na-realize kong wala akong katabi. Wala na rin akong gana kumain ng popcorn. Na ikinatuwa naman ng kalapit kong manonood ng ibigay ko na lang sa kanya. Hindi na rin ako nanonood ng love story, nakaka-inggit lang kapag nagmasid ka sa paligid. Pati horror, hindi na ako tumatangkilik. Self-explanatory.

Wala nang silbi ang cellphone ko. Pwera na lang sa pagiging calculator at ilaw kapag madilim. Sa tuwing tinitignan ko ito, naalala kita. At madalas, umaasang lalabas ang pangalan mo sa isang tawag o mensahe. Kapag wala, as usual, kunyari tinignan ko lang ang oras. Nakakayamot din yung mga promotional texts tungkol sa mga ringbacks. Akala ko kasi, ikaw yun. Tapos basura lang pala. Magkano kaya ito kapag isinangla?

Tuwing alas-sais, wala na akong ginagawa. Nakatunganga na lang at iniisip kung nakauwi ka ba ng maayos, kung nahirapan ka bang mag-abang ng masasakyan, hindi ka ba sinipulan sa loob ng jeep o pinagkaitan ng aircon sa FX. Hinahanap hanap ko na din ang mga kwentuhan natin sa tuwing mabagal ang daloy ng traffic sa EDSA o sadyang bwakaw lang sa pasahero ang driver, ang nakakatawang pagsusungit mo tuwing male-late ka na tapos magpapa-gasolina pa ang sinasakyan nating jeep at lalo na yung malumanay na pagdampi ng ulo mo sa balikat ko sa tuwing inaantok ka sa biyahe.

Madalas ko pa ring tignan ang mga picture mo sa Facebook. Lalo na yung mga bagong upload. Maganda ka pa rin. O mas lalong gumanda dahil hindi ka na stressed sa akin. Minsan gusto kong mag-comment o i-like ang isa sa kanila. O di naman kaya ay padalhan ka ng private message. Kaso nakakatakot. Baka kasi pag natanggap mo, burahin mo agad kahit hindi mo pa nababasa. Isang reply lang naman. Solve na ako.

Ayoko na din kumain mag-isa. Una, nakakawalang gana. Pangalawa, walang magbabantay ng lamesa. Kapag tapos ka nang umorder sa counter, wala ka namang mauupuan at habang buhay na magja-juggle ng tray mong dala. Ayoko na ding umupo dun sa pang-isahang mesa na madalas eh nasa sulok o di naman kaya ay katabi ng CR at handwashing area. Nakaka-dismaya naman kasing kumain kapag doon ka naka-pwesto. Parang huling hapunan mo na at maya-maya lang ay isasalang ka na sa garote, dahil sa sobrang lungkot. At pangatlo, wala na akong kapalitan ng pagkain tulad ng sa lauriat. Madalas kasi tayong mag-exchange gift. Siomai sayo. Bochi sa akin. O kaya minsan kukumbinsihin kitang nakakataba ang inorder mo, para sa akin na lang lahat. Hindi ko din makalimutan ko paano mo ako ipagbukas ng sachet ng ketchup dahil alam mong sabaw ako pagdating dun. Itinabi ko nga pala yung mga resibo natin. Ewan ko kung bakit.

Break na tayo? Ano naman? Hindi ako malungkot. Hindi lang ako masaya. At gusto ko ulit ang dati.

Break na tayo? Pwe!

Pwede bang tayo na lang ulit?


(c) Jayson Benedicto - Writer